Bago sumali sa ‘The Clones: Ka-Voice of the Stars’ ng Eat Bulaga, matagal nang nagtatrabaho bilang isang professional singer si Stephen JC, at walang ideya noon na kaboses niya pala ang lead vocalist ng Queen na si Freddie Mercury.
Wala ring kabalak-balak si JC na sumali sa “The Clones”, kung saan siya ang naging Grand Champion.
“Hindi ako nag-audition sa Eat Bulaga. Hinatak lang talaga nila ako. Hindi ako prepared. Naka-shorts nga lang ako,” kuwento ni JC.
Ayon kay JC, sa panayam sa programang “Sessions With Brian Yamsuan” ng Bilyonaryo News Channel, napansin lang ng isa niyang kaibigan na kahawig ni Freddie Mercury ang kanyang singing voice.
Nadiskubre ito sa party kung saan hiniling ng kanyang kaibigan na kumanta siya ng ‘Love of My Life,’ isa sa mga hit songs ng Queen.
“Sa akin parang wala lang.Then sabi ng friend ko, ‘Kaboses mo nga!’ So wala akong idea. Hanggang yung mga tao na nakapanood sa akin sa viral (video), yun ang nag-push sa akin sa ‘The Clones,’ atsaka ‘yung sa Showtime. But before kasi takot ako sa screen, sa TV. I was thinking of living a simple life,” kuwento pa ni JC.
May 15 taon ding kumanta si JC sa iba’t ibang parte ng Asya bilang professional singer bago sumali sa ‘The Clones,’ pero kahit minsan ay hindi siya nakakanta ng kahit isang awitin ng Queen.
Mula sa pagkanta sa ibang bansa, napilitang umuwi si JC sa Pilipinas noong nagka-lockdown dahil sa pandemya at dito na napansin ang pagkakahawig ng kanyang boses kay Freddie Mercury.
Wala sa plano ni JC na gawing career ang pagkanta dahil ang una niyang pangarap noon ay tuparin ang hiling ng kanyang ama na maging isang doktor o abogado.
Nang magsimula ng mag-college, doon na napilitan si JC na kumanta para may maipangtustos sa kanyang pag-aaral.
“At that time, wala pa rin sa isip ko na maging musikero. For me, music is just to get by,” ayon kay JC.
Nang makabuntis at magkaroon ng responsibilidad sa buhay, tumigil si JC sa pag-aaral at doon na nagsimulang kumanta abroad para kumita.
Naniniwala si JC na ang pagpihit niya sa career ng pag-awit ay plano para sa kanya ng Diyos.
“I would just like to say that everything, parang orchestrated noh. I want to glorify God. ‘Yung mga ways na ginawa niya nakikita ko, ang ganda ng steps na ni-lay niya. So isa ‘yun sa mga reasons nawala yung takot ko. Parang sinasabi Niya sa akin, ‘Sige lang, ibinigay ko yan sayo,’” dagdag pa ni JC.
Bagama’t binansagang “Freddie Mercury ng Pilipinas”, hindi lang dahil sa kaboses niya ang vocalist ng Queen kundi dahil na rin sa pagkakaroon ng isang powerful voice, naniniwala si JC na kulang pa ang kanyang kaalaman sa pagkanta.
“Ang tingin ko pa nga sa sarili ko shallow ako sa singing, kasi nga di ako ganun ka-equipped, hindi ako knowledgeable lahat sa songs, although meron akong mga puwedeng kantahin, meron akong kaya. Pero ‘di para sabihin na perfect, malayong malayo,” ayon kay JC.
Masaya at proud mang mabansagan na “Freddie Mercury ng Pilipinas”, ang pangarap pa rin ni JC ay makalikha ng sariling kanta, at makikala na bilang siya na may sariling singing style.
“Sana masubaybayan ninyo at masuportahan ‘nyo ako. It’s a different vibe kasi ‘yung ako talaga and mga music na gawa ko. Hopefully, I can’t promise, but I’ll try to compose a song na tribute ko na kay Freddie,” sabi pa ni JC.


