WebClick Tracer

Sponsorship and debate ng panukalang P7.2T budget para sa 2027 tinapos na ang Kamara

Sesyon ng Kamara de Representantes habang tinatalakay ang panukalang P7.2T budget para sa 2027.

Tinapos na ng Kamara de Representantes nitong Biyernes ng gabi ang period of sponsorship and debate para sa panukalang P7.2 trilyong 2027 General Appropriations Bill (House Bill 10858).

Inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos ang mosyon na tapusin ang period of sponsorship at debate para sa HB 10858 bandang alas-9:31 ng gabi kasunod ng turno en contra nina House Minority Leader Marcelino Libanan at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.

Pinangunahan ni House Committee on Appropriations chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing ang plenary discussion na nagsimula noong Setyembre 15.

Tinalakay ng Kamara ang panukalang budget para sa 240 departamento, ahensya, attached agencies, at government-owned and controlled corporations, gayundin ang 113 State Universities and Colleges (SUCs).

“Our goal over the course of these deliberations is to craft a 2027 budget that would accelerate growth despite this challenging fiscal landscape, which would give due consideration and prioritization to the pressing needs of our most salient social and economic sectors,” sabi ni Suansing.

Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang panukalang budget para sa basic education; pondo para sa agrikultura at irigasyon sa gitna ng kinakaharap na climate risks; panukalang budget ng Commission on Higher Education at mga SUC; mga social welfare program; health services; energy resilience; mass transportation; at mas mahigpit na project evaluation at accountability measures para sa mga infrastructure project.

Iginiit ni Suansing na isasaalang-alang ng Kamara ang karagdagang safeguards sa pagbuo ng panukalang 2027 General Appropriations Act, partikular sa mga patakaran at pamantayan sa paggamit at pagsusuri ng pondo.

Ayon sa lady solon ang antas ng unprogrammed appropriations sa 2027 National Expenditure Program ang pinakamababang unprogrammed appropriations-to-total-expenditure ratio sa loob ng ilang dekada.

Itinakda ng Department of Budget and Management ang panukalang 2027 unprogrammed appropriations sa P111.984 bilyon, katumbas ng 1.6% ng Total Expenditure Program na siyang pinakamababa mula noong 2019.

Bilang pagtugon sa panawagan ni House Speaker Faustino Dy III para sa transparency at accountability sa proseso ng budget, inihayag ni Suansing ang commitment ng Kamara na gawing mas bukas sa pagsusuri ng publiko ang proseso ng budget.

“Matibay po ang paninindigan ng inyong Kongreso na tanggalin ang tabing sa usaping budget at talagang ipakita kung saan napupunta ang bawat piso ng buwis na mula sa dugo at pawis ng bawat Pilipino,” sabi ni Suansing.

Inaasahang sisimulan ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ng Appropriations Committee ang deliberasyon sa mga panukalang amendment sa HB 10858 sa susunod na linggo.

Target ng Kamara na maipasa ang 2027 GAB bago mag-adjourn ang sesyon sa Oktubre 9. (Billy Begas)