WebClick Tracer

Rhian Ramos nag-aral bumalentong

Sumailalim sa backflip training ang aktres na si Rhian Ramos. Naghahanda umano kasi siya sa mas maaaksyong pagganap sa mga teleserye.

“Entering my action star era!” pahayag ni Rhian.

Si Rhian ang latest addition sa action series na “Taskforce Firewall”, kaya naman siguradong mapapasabak siya sa matitinding aksyon.

Nagpaturo siya kay Coach Pol, na siya namang nag-post sa social media nito ng mga naging ganap sa backflip training session ng aktres.

“I wanna learn how to do something that’s gonna be flashy for mga stunt scenes,” wika pa ni Rhian.

Warm-up pa lamang ay halatang hindi pa ready at aminadong natatakot pa si Rhian, at mababa rin ang pagtalon niya.

Ngunit sa paggabay ni Coach Pol, unti-unting nakuha ng aktres ang tamang technique sa paglundag, pag-tuck sa ere, at pag-landing nang maayos.

Kinondisyon muna ng coach ang kahandaan ni Rhian na magsagawa ng pagbalentong sa ere, gamit ang mga safety cushion upang hindi madisgrasya o mapilayan ang aktres.

Importante rin daw na mawala muna ang kaba ni Rhian para maayos nitong maisagawa ang backflip.

“I’m Spider-Man!” sigaw ni Rhian, nang makagawa siya ng isang perfect na backflip matapos ang paulit-ulit na praktis.

Pinasalamatan naman ng aktres si Coach Pol sa pag-alalay sa kanyang training. Ligtas umano siyang nakapag-aral mag-backflip at sobrang nag-enjoy rin siya. (Jun Lopez)