Nagpapatuloy umano ang recruitment ng mga makakaliwang grupo at iba na ang anyo nito, ayon kay Philippine Army retired Major General Marlo Salazar, vice chairman ng ROTC Alumni Association.
“Tuloy pa rin ‘yung recruitment, tuloy pa rin. Hindi ko alam kung gaano kalaki, gaano karami pero nag-iiba na ang anyo,” ani Salazar sa isang forum.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit itinutulak nila ang pagbaba ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa senior high school.
“Ang recruitment kasi nasa bata. Ideologue kasi ‘yung bata tapos ‘pag ideologue parang… na-engkuwentro namin nung una high school lang sa UP, nakakaawa,” dagdag niya.
Samantala, sinabi rin ni Salazar na ito umano ang dahilan kung bakit hindi nabibigyan ng pondo si Vice President Sara Duterte, na aniya’y dapat nang manguna sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Kaya nga ayaw nila bigyan ng pondo si VP, siya dapat ang mag-head ng NTF-ELCAC kasi ‘yung kaliwa kaagad ang titirahin niya,” dagdag niya.


