WebClick Tracer

Quezon mayor, mga kawani pinahaharap ng LTO matapos mahuling walang helmet

Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa isang mayor at ilang kawani ng isang local government unit sa Quezon matapos umanong mahuling bumibiyahe sakay ng mga motorsiklo nang walang suot na helmet.

Ito ay matapos matukoy ng ahensya ang pagkakakilanlan ng mga rehistradong may-ari at itinalagang rider ng mga sangkot na motorsiklo mula sa mga video at larawan ng insidente.

Inatasan silang humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division sa Oktubre 1.

Pinagpapaliwanag din sila sa mga kasong mandatory use of motorcycle helmets at ang pagiging improper person to operate a motor vehicle, na maaaring humantong sa pagsususpinde o pagbawi ng kanilang mga lisensya.

Samantala, inilagay sa alarm status ang tatlong motorsiklong sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Sinuspinde rin ng 90 araw ang mga lisensya ng mga rider at inatasan silang agad na isuko ang mga ito sa LTO.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, dapat maging halimbawa sa pagsunod sa batas ang mga kawani ng pamahalaan.

“Bilang mga kawani ng pamahalaan, dapat tayo mismo ang nangunguna sa pagsunod sa batas. Hindi natin maaaring ipatupad ang mga batas-trapiko sa iba kung tayo mismo ay hindi sumusunod dito,” ani Lacanilao.

Iginiit ng LTO na patuloy nitong ipatutupad ang mga kaukulang hakbang laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko, anuman ang kanilang katayuan o ahensyang kinabibilangan. (AC)