Nanawagan si Dr. Florentina Uy-Ty, dating pangulo ng Philippine Pediatric Society (PPS), sa Food and Drug Administration (FDA) na aprubahan na ang Qdenga dengue vaccine, na umano’y tatlong taon nang sumasailalim sa pagsusuri ng ahensya.
Sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Uy-Ty na makatutulong ang bakuna, kasabay ng vector control, upang maabot ang target ng World Health Organization (WHO) na zero dengue deaths pagsapit ng 2030.
“Definitely. Definitely. Vector control, if you couple it with the vaccine, tell you, we will attain the World Health Organization goal of zero mortality by 2030,” aniya.
Ayon kay Uy-Ty, ang Qdenga ay second-generation dengue vaccine na naaprubahan na umano sa 43 bansa, kabilang ang Thailand, Indonesia, at Vietnam.
Naiiba aniya ito sa unang dengue vaccine dahil hindi na kailangang alamin muna kung nagkaroon na ng dengue ang isang pasyente bago ito mabakunahan.
Sa ilalim umano ng Qdenga, maaari itong ibigay sa mga edad apat na taon pataas, may dati mang dengue infection o wala.
“The first vaccine before, we need to check if the patient has dengue before. Because if they don’t, they are not qualified,” ani Uy-Ty. “This second generation, hindi na po kailangan.”
Sinabi rin niya na saklaw ng bakuna ang apat na dengue serotypes at mayroon nang tinatayang 32 milyong dose na naibigay sa buong mundo.
“The clinical evidence is very, very, very good. I have to say there are now 32 million doses given all over the world. So far, no mortality. No mortality in the 32 million doses,” saad pa ni Uy-Ty.
Panoorin ang buong panayam kay Uy-Ty sa September 25 episode ng “On Point”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


