Pinuri ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio ang mental toughness ni Carlos Yulo at sinabi isa ito sa mga katangiang kailangan upang magtagumpay sa pinakamataas na antas ng kompetisyon sa gymnastics.
Sa panayam sa programang “The Scorecard” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Gregorio na kapansin-pansin ang kakayahan ni Yulo na hindi magpadala sa pressure at mabilis na makabawi matapos ang isang mahirap na sandali sa kompetisyon, partikular sa Asian Games.
Ayon kay Gregorio, may pagkakataong tila kinakabahan ang mga nanonood nang makaharap ni Yulo ang Iranian gymnast, lalo na sa vault, ngunit nanatiling kalmado umano ang Pinoy gymnast.
“There were moments na parang bang, oo, tatalunin yata tayo nitong Iranian na ito, lalo na sa vault. Mas nenerbyos pa tayo. ‘Pag tinignan mo si Caloy Yulo, did he look nervous? No?” aniya.
Binigyang-diin din niya ang mabilis na pagbangon ni Yulo matapos kumalat sa social media ang mga video ng kanyang mga pagtatangkang hindi maayos ang landing.
“Iba yung desire to win, iba ‘yung tibok ng puso ng mga ito, iba ‘yung Carlos Yulo. Ang bilis ng pag-bounce back niya eh, after those videos of him not landing properly, kumalat sa social media, he blocked it all out, and then went back to being that Olympian that he is,” saad niya.
Para kay Gregorio, ipinakita ni Yulo ang mindset ng isang atleta na patuloy na dala ang pagiging Olympian saan man siya lumaban.
“Once an Olympian, always an Olympian. You don’t say former Olympian. An Olympian is always be an Olympian,” dagdag pa ng PSC chairman.
Matatandaang nakuha ni Yulo ang dalawang gold sa 2026 Asian Games sa Japan matapos manguna sa floor exercise at men’s vault final.
Panoorin ang buong panayam kay Gregorio sa September 25 episode ng “The Scorecard”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 10:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


