Kinuwestiyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang Land Transportation Office (LTO) nitong Sabado kaugnay ng pagpapahintulot sa non-appearance ng mga sasakyan para sa emission testing.
Sa kanyang programa sa radyo, sinabi ni Remulla na kapansin-pansin ang polusyon sa hangin sa skyway.
“‘Pag dumadaan ka ng skyway, makikita mo ‘yung malabo ‘yung hangin, haze kasi malakas ‘yung pollution,” ani Remulla.
“Ang emissions hindi naman ginagawa eh. Ang emission, non-appearance. Puwede bang non-appearance ang non-emission? Kaya nga tinawag na non-emission eh, ite-test ‘yan,” dagdag niya.
Giit ni Remulla, dapat regular na sinusuri ang emissions ng mga sasakyan.
“At least gawin mo na lang after five years or after 10 years, dapat tine-test ‘yan. May testing center ‘yan,” aniya.
Kinuwestiyon din ng Ombudsman ang dami ng emission tests na aktuwal na isinasagawa ng ilang emission testing center kumpara sa bilang ng mga transaksyong naitatala.
“Kaya may mga emission center naka-5,000 emission test sa isang buwan… ilan talaga ang test na ginawa niyan?” tanong niya.
Hinimok ni Remulla ang LTO na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas at regulasyon laban sa air pollution.
“Tigilan na nila ‘yan. Cleaner Act i-enforce nila. Dapat ‘yan ‘yung enforcement ng Cleaner Act gawin nila with DENR,” sabi ni Remulla. (AC)


