Ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang umano’y isyu sa third-party liability insurance (TPL) para sa pagpaparehistro ng mga sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).
“May ginawa pa sila diyan, isa pang kalokohan ‘yung DCI. DBP Data Center Incorporated,” ani Remulla sa kanyang programa nitong Sabado.
“Nag-work up sila ng LTO na lahat ng TPL, lahat ng insurance nagkakarga sa kanila. Sa kanila ikakarga, sila magki-clear, sila mag-aano ng data,” dagdag niya.
Ayon kay Remulla, nagkakahalaga umano ng P40 kada transaksyon ang naturang proseso kahit kaya naman aniyang gawin ng Land Transportation Management System (LTMS).
Kinuwestiyon din ng Ombudsman ang sistema ng third-party liability insurance, partikular ang umano’y limitasyon sa mga insurance company na maaaring makipagtransaksyon sa LTO.
“Ang talagang bantayan natin ‘yung concept ng third-party liability insurance. Kasi ‘yan, nagkaroon sila ng kartel kaya nga nagkakaproblema itong Insurance Commission,” ani Remulla.
“Lalo na ngayon, ‘yung motorsiklo nabangga ng kotse, di ba third-party liability insurance dapat nag-aapply? Paano sila magke-claim?… ‘yan ang problema ng LTO, pera-pera lang. Mali ‘yan,” dagdag niya.
Sinabi ni Remulla na maaaring umabot sa bilyon-bilyong piso kada taon ang halaga ng TPL insurance dahil sa dami ng mga sasakyang kailangang irehistro.
“Imagine, you’re registering eight billion vehicles with TPL, ilang bilyon ‘yon?… mga P15 to P20 billion a year… tinuan niyo naman, tinuan niyo. Para ‘yung taong naaaksidente, merong maki-claim, mabibigyan. Kasi ‘yung mga insurance company na ‘yan, minsan may mga double coverage,” sabi pa ng Ombudsman.
Samantala, nanawagan si Remulla na ibigay sa Government Service Insurance System (GSIS) ang naturang insurance o kaya naman ay bigyan ng pagpipilian ang publiko. (AC)


