WebClick Tracer

Mary Jane Veloso nakauwi na ng Nueva Ecija

Matapos ang halos dalawang dekada, nakauwi na si Mary Jane Veloso sa Nueva Ecija nitong Sabado, Setyembre 26.

Sa ulat ni Andrea Salve sa programang “Agenda Weekend” ng Bilyonaryo News Channel, nagsalo-salo sa iisang hapunan si Veloso at ang kanyang pamilya sa kanilang bahay sa bayan ng General Natividad ngayong gabi.

Pasado alas-3 nitong hapon nang magsimulang bumiyahe si Veloso kasama ang kanyang pamilya pauwi sa kanilang bayan. Dakong alas-5:40 ng hapon naman sila nakarating.

Hindi naman umano nakatulog ang pamilya sa unang gabing muli nilang nakasama si Veloso.

“Unang gabi niyang dumating dito, ako ang katabi. Hindi ‘yung mga anak, hindi si tatay, kami lang. Nakatutok ang mukha,” ani Celia, ina ni Veloso.

Samantala, umaasa rin si Veloso na malilinis ng kanyang mga recruiter ang kanyang pangalan.

“Ang mensahe ko po talaga kay Ate Tintin at kay Kuya Julius, kung nanonood man po sila ngayon, na tama na ‘yung pagsisinungaling po. ‘Yun lang naman po ang gusto kong sabihin sa kanila na sabihin niyo na po ang katotohanan na wala talaga akong kasalanan,” ani Veloso sa panayam sa media.

“Alam ko po na nalinis na ang pangalan ko dahil sa absolute pardon ni President pero iba pa rin po ang pakiramdam na mismong sa kanila nanggaling na talagang sabihin nila na wala akong kasalanan po,” dagdag niya.

Nitong Biyernes, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon ni Veloso, na inilipat sa Pilipinas mula Indonesia kung saan siya nakulong nang 15 taon matapos mahatulan noong 2010 dahil sa kasong drug trafficking. (AC)