WebClick Tracer

Macalintal kukuwestiyunin sa SC ang pagpapaliban ng BSKE

Si election lawyer Romulo Macalintal habang nagbibigay ng pahayag hinggil sa pagpapaliban ng BSKE.

Nakatakdang kwestyunin ni election lawyer Romulo Macalintal sa Supreme Court ang bagong batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Macalintal, plano niyang magsampa ng petition for certiorari, dahil naniniwala siyang nilalabag ng batas ang karapatan ng mga botante sa pagboto.

“Because this measure strikes at the heart of our democracy and reflects a grave abuse of discretion, voters like me are left with no choice but to bring this matter before the Supreme Court via a Petition for Certiorari,” anang abogado.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326, kung saan awtomatikong gaganapin ang susunod na BSKE sa Nobyembre 2028.

Mapapahaba rin mula apat tungo sa limang taon ang termino ng mga kasalukuyang barangay at SK officials.

Kinuwestiyon din ni Macalintal ang mabilis na pagpasa at paglagda sa batas bago ang Setyembre 28 deadline ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC).

Aniya, hindi nabigyan ng sapat na pagkakataon ang mga botante na humingi ng judicial remedy o temporary restraining order.

Iginiit din ni Macalintal na hindi sapat na dahilan ang mga kalamidad para ipagpaliban ang halalan at sinabing taliwas umano ito sa naunang desisyon ng Supreme Court sa Macalintal v. Comelec noong 2023. (AM)