Nawindang at na-starstruck si Kim Molina habang kausap si Stell Ajero ng P-pop group na SB19. Panay pa naman ang papuri nito sa aktres, ngunit tila nasa cloud 9 naman ang huli.
Sa Instagram post ni Kim nitong Setyembre 26, makikitang naglalakad sa loob ng isang sinehan ang aktres at si Stell.
“POV: Mas nangibabaw pagka-fan girl mo kahit sinasabihan ka na fan din siya – ‘nakalimutan ko title ng pelikula ko [LOL emoji],’” nakalagay na text sa video na ipinost ni Kim.
Ikinukuwento naman ni Stell ang movie ni Kim na napanood daw niya.
“Sobrang galing mo du’n. Grabe! Fan!” papuri ng SB19 member sa aktres.
“Saan?” tanong naman sa kawalan ni Kim.
“Doon nga sa show mo. ‘Yung sinasabi ko, ‘yung namatay ka, tapos binigyan ka ng days para bumalik sa lupa pero mahirap ka? ‘Yung sa may lawyer ka, attorney ka,” sabi pa ni Stell.
Ngunit nablangko na nga ang aktres sa moment na iyon, na kasabay nga niyang naglalakad si Stell, at nakaalalay pa ito sa kanya. Hindi nga niya maalala kung ano ang title ng pelikula niyang ikinikuwento nito.
“Hihi! Nawiwindang ako eh. Nasa-starstruck ako! Hahaha!” wika ni Kim.
Sa background naman ay maririnig ang mister ng aktres na si Jerald Napoles, na tawang-tawa naman sa kanila.
Ang pelikula ni Kim na tinutukoy ni Stell ay ang “Wonderful Nightmare” na mapapanood sa isang streaming platform. (Jun Lopez)


