WebClick Tracer

Kampo ni Digong humirit sa ICC na ibaba sa 10K items ang ebidensya ng prosekusyon

Si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kaso sa International Criminal Court (ICC).

Hiniling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Trial Chamber na utusan ang prosecution na limitahan ang dami ng ebidensyang isinusumite sa kaso.

Ayon sa defense counsel na si Peter Haynes, umabot na sa 62,130 items ang ebidensyang isiniwalat ng prosecution, mula sa 5,275 items noong confirmation phase.

Katumbas umano ito ng 978% na pagtaas, kaya hiniling ng depensa na limitahan ito sa 10,000 items hanggang Oktubre 7.

Anang defense counsel, mahigit 320,000 pahina ng dokumento at 1,000 audio-visual materials ang kailangang repasuhin ng depensa.

Iginiit niyang kulang ang oras para mapag-aralan ang lahat bago magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.

Kinuwestiyon din ng depensa ang kalidad at organisasyon ng ilang ebidensya, kabilang umano ang mga maling description at metadata, duplicate document, hindi mabasang file, at audio at video na walang translation o transcription.

Iminungkahi ng depensa na i-triage at ayusin ng prosecution ang mga dokumento at bumuo ng mas limitadong case record upang mapanatili ang Nobyembre 30 na petsa ng pagsisimula ng trial.

Nakatakda namang isumite ng defense team ang pre-trial brief nito sa Oktubre 30.

Si Duterte ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay na iniuugnay sa kanyang war on drugs sa kanyang administrasyon. (AM)