Tinatayang 1.1 milyong minimum wage earner sa Metro Manila ang makatatanggap ng P60 dagdag sa kanilang arawang sahod, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino.
Ito ay matapos ipatupad ang Wage Order No. 28 sa National Capital Region (NCR), na nagtatakda ng mga bagong minimum wage rate sa rehiyon simula ngayong Setyembre 26.
Tataas mula P695 tungo sa P755 kada araw ang minimum wage ng mga non-agricultural worker.
Habang tataas naman mula P658 tungo sa P718 kada araw para sa mga manggagawa sa agrikultura, maliliit na retail at service establishment na may 15 o mas kaunting empleyado, at maliliit na manufacturing establishment na regular na may mas mababa sa 10 manggagawa.
Hinikayat naman ni Tolentino ang mga employer na agad sumunod sa bagong minimum wage rates at tiyaking na-update ang kanilang payroll at compensation systems.
“Dito natin naipakita ang kabuluhan ng isang tripartite mechanism kung saan ang pamahalaan, ang employers’ groups, at ang employees’ groups ay nagkakaisa para isulong at iangat ang dangal ng manggagawang Pilipino,” ani Tolentino.
Patuloy namang imo-monitor ng DOLE ang pagsunod ng mga employer sa wage order at magbibigay ng gabay sa mga manggagawa at kumpanya kaugnay ng pagpapatupad nito.
Sinabi ng DOLE na dumaan ang wage order sa itinatag na tripartite wage-setting process ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR (RTWPB-NCR) at kinumpirma ng National Wages and Productivity Commission (NWPC). (AM)


