Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert nitong Sabado bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Severe Tropical Storm Queenie.
Sa ilalim nito, 24/7 nakaalerto ang DOH Operations Center, habang naka-standby ang mga health emergency team, medical supply at emergency room ng mga DOH hospital para sa agarang pagtugon sa mga aksidente, pinsala at iba pang emergency.
Patuloy din ang koordinasyon ng DOH sa NDRRMC, mga lokal na pamahalaan at regional disaster units.
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall o direktang tatama sa bansa si Queenie, maaari itong magdala ng malalakas na ulan at pagbaha.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa baha upang maiwasan ang leptospirosis at iba pang sakit.
Kung kinakailangang lumusong sa baha, pinapayuhang agad kumonsulta sa pinakamalapit na health facility o YAKAP clinic. (AM)


