Tinawag ni Atty. Jimmy Bondoc na “made up” o gawa-gawa lamang ang mga bagong alegasyon tungkol sa umano’y paghahatid ng mga maleta na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte, sa gitna ng kinakaharap nitong impeachment trial.
Inihayag ito ni Bondoc sa programang “Politiko Talks” ng Bilyonaryo News Channel, kasunod ng naunang pahayag ni Rodulfo Gracioso Jr., dating security officer ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Sinabi ni Gracioso na naghatid umano siya ng mga maleta na naglalaman ng pera kina VP Sara, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, batay umano sa utos ni Velasco.
Mahigit P2 bilyon ang kabuuang perang naihatid umano niya kay VP Sara, nagdala siya ng pera kay dating Pangulong Rodrigo sa Malacañang mula 2018 hanggang 2022, at naghatid ng P100 milyon kay Rep. Pulong.
Ayon naman kay Bondoc, “Ito’y new evidence na naman. But ang napakalinaw is this is not new evidence for the prosecution. This is new evidence for the defense that they have nothing against her.”
Saad ng abogado, kahina-hinala umano na ngayon lamang lumitaw ang naturang mga alegasyon gayong matagal nang inihahanda ang impeachment case laban kay Duterte.
“This is obviously a machination. This is made up. They’re trying to come up with something,” ani Bondoc. “Dahil hindi sufficient ‘yung meron sila ngayon, that they have to come up with something else.”
Iginiit niya na kung tunay umanong matibay ang naturang ebidensya, dapat ay mas maaga pa itong nailabas ng prosecution.
“Kung kayo po may ganyang kalakas na ebidensya, ang tagal n’yong pinaghandaan ’to. Nag-file kayo ng one year, naudlot pa. Nag-second year na kayo. Ang haba na ng panahon,” ani Bondoc.
“Ngayon n’yo lang ilalabas ’tong ganitong ebidensya na pinakamalakas? That would have been the strongest piece of evidence. Ngayon n’yo lang ’yan nakita?” dagdag pa niya.
Panoorin ang buong episode noong September 25 sa “Politiko Talks”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Biyernes, 8:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


