Ni-reveal na ni James Reid kung kaninong mata ang nakita sa salamin ng kanyang sinasakyan, na teaser nga sa upcoming music video niya. Ito ay mata pala ni BINI member Aiah Arceta, na tampok nga sa bagong track ng singer-actor.
“But those eyes kept me still,” caption ni James sa kanyang Instagram post nitong Setyembre 24.
“Keep your attention close, you might just catch what’s coming next,” panibagong post pa nito.
Sa mga photo na shinare ni James, makikita ang mata ng taong makakasama niya sa music video ng “Attention”. Marami ang humula kung sino at kaninong mata nga iyon.
Nitong Biyernes, nag-post sa kanyang IG stories si BINI Aiah na kasama si James. Naglalakad ito, at sa suot nitong footwear ay nakadikit ang isang papel na may note, na binasa naman ni James.
“Do I have your ATTENTION?” ayon sa note, kaya’t na-reveal na kung sino ang featured artist sa ilalabas niyang MV.
Sa latest post ni James, pinasilip na niya sa isang video clip ang collab nga nila ng miyembro ng P-pop girl group na BINI.
Siyempre pa, na-excite ang Blooms na mapanood na rin ang MV na iyon ni James. (Jun Lopez)


