WebClick Tracer

Bagyong Queenie malapit nang maging typhoon – PAGASA

Malapit nang umabot sa typhoon category ang Severe Tropical Storm Queenie habang patuloy itong kumikilos sa karagatan sa silangan hilagang-silangan ng Batanes, ayon sa PAGASA.

Sa 11 a.m. tropical cyclone bulletin nitong Sabado, huling namataan ang Bagyong Queenie sa layong 575 kilometro silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging 110 km/h at pagbugsong umaabot sa 135 km/h. Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h.

Ayon sa PAGASA, posibleng maging ganap na typhoon ang Bagyong Queenie ngayong Sabado at lalo pa itong lalakas habang kumikilos sa karagatan sa timog ng Okinawa Islands.

Wala namang nakataas na tropical cyclone wind signal sa anumang bahagi ng bansa dahil hindi inaasahang direktang tatama sa Pilipinas ang bagyo.

Inaasahang liliko pahilaga ang bagyo sa susunod na 12 oras bago tumungo sa hilagang-silangan pagsapit ng Linggo, Setyembre 27. Posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa pagitan ng Linggo ng hapon at gabi. (AC)