Kinastigo ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang desisyon ng mga economic manager na huwag isama ang diesel at gasolina sa ililibre sa excise tax dahil pawang mga mayayaman lamang umano ang makikinabang.
“Mukhang hanggang dito na lang talaga ang administrasyon,” ang dismayadong pahayag ni Tinio ukol sa ipapatupad na tax exemption na ipapatupad sa susunod na linggo subalit hindi kasama dito ang diesel at gasolina.
“Palagi na lang ganito ang excuse ng DOF at economic managers ng administrasyon—na mayayaman ang mas gumagamit daw ng diesel at gas—kahit napakalayo nito sa katotohanan,” ani Tinio.
“Walang makukuhang kaluwagan mula sa panibagong excise suspension ang jeepney driver na kumokonsumo ng 30 litro ng diesel kada araw. Ganun din ang magsasakang gumagamit ng hand tractor, mangingisdang may pumpboat, o mga nagbibiyahe ng mga produkto sa palengke,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon sa mambabatas, umaaray na ang mga tsuper sa mataas na presyo ng diesel na pangunahin nilang ginagamit sa pamamasada at maging sa pagdedeliber ng mga pagkain kaya hindi katanggap-tanggap aniya ang katuwiran ng Malacanang na mga mayayaman ang makikinabang kapag sinuspendi ang excise tax.
“Kapag pumalo na ang diesel sa ₱18.31 per liter sa mga susunod na linggo, bawat piso ng excise tax—isama na natin ang VAT na ayaw ring tanggalin ng administrasyong Marcos—ay ipapasa sa commuters at consumers. Kahit di nagmamay-ari ng sasakyan ang mahihirap, binabalikat nila ang impact ng inflation sa bawat bagay at serbisyong binibili nila,” ani Tinio.
Naniniwala ang mambabatas na idinadahilan lamang ng mga economic managers ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang mga mayayaman dahil nanghihinayang ang mga ito sa P12 bilyon na mawawala kada buwan kapag sinuspendi ang excise tax sa diesel at gasolina.
Sa ngayon ay may excise tax na P6 ang bawat litro ng diesel habang P10 naman sa gasolina kaya aabot umano sa P12 bilyon ang mawawala sa kapag sinuspendi ang nasabing buwis.
“Apparently, the DOF’s primary concern is protecting its revenue collection while the people’s already meager incomes are being devoured by inflation. Government is again holding hostage direly needed economic relief for the people, with new and heavier tax burdens as ransom,” paliwanag ni Tinio.
Kinastigo din nito ang patuloy na pangongolekta ng gobyerno ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa lahat ng produktong petrolyo at patuloy na pagtanggi ng mga ito sa magpatupad ng price freeze sa Liquified Petroleum Gas (LPG) at kerosene gayung walang suportang ibinibigay ng mga ito sa sa gitna ng krisis sa langis.
“Hanggang ngayon, walang suporta ang administrasyon sa panawagang tanggalin na ang VAT sa petroleum products. Wala pa ring price freeze man lang sa LPG at kerosene samantalang automatic dapat iyon kapag state of emergency, ayon sa batas. Mukhang hanggang dito na lang talaga ang administrasyon—calculated minimalism sa pagbibigay ng kaluwagan sa mamamayan sa panahon ng krisis,” dagdag pa nito. (Bernard Taguinod)


