WebClick Tracer

Suplay ng tubig sa Lucban, Quezon bumagsak sa kritikal na antas

Namumuro sa water crisis ang Lucban, Quezon matapos bumagsak sa kritikal na antas ang tubig sa mga bukal na pinagkukunan ng suplay ng Apolinario Dela Cruz Waterworks System.

Pinakamalaki ang ibinaba ng water level sa Pagsipi Spring na mula 64 pulgada noong Setyembre 2025 ay naging 15 pulgada ngayong Setyembre 2026, o 49 pulgadang pagbaba.

Sa Barakan Spring naman, bumaba ang water level mula 29 pulgada tungong 5 pulgada, habang mula 31 ay naging 23 pulgada sa Samil Spring at mula 41 ay naging 39 pulgada sa Sindico Spring.

Sa pahayag ng Apolinario Dela Cruz Waterworks System nitong Setyembre 24, sinabi nitong dahil sa El Niño, patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa mga bukal na nagreresulta sa mahinang pressure at daloy ng tubig sa mga gripo.

Partikular nang idineklarang nasa critical level ang Barakan Spring, kung saan limang pulgada na lamang ang taas ng tubig sa intake box.

Pinapayuhan ng Waterworks ang mga residente na magtipid sa paggamit ng tubig at mag-ipon ng suplay, ngunit ilang residente ang nagpahayag ng pangamba dahil maging sa gabi na lamang umano nila inaabangan ang pagdating ng tubig.

May mga residente ring humihiling ng konkretong emergency plan, kabilang ang posibilidad ng water delivery, water stations at malinaw na schedule ng distribusyon sakaling patuloy na bumaba ang suplay.

Nasa paanan ng Mount Banahaw ang Lucban, na bahagi ng lugar na pinagmumulan ng mga bukal at daluyan ng tubig na nagsusuplay sa mga komunidad sa Quezon at Laguna. (Ronilo Dagos)