Pinangunahan ni Speaker Faustino Dy III ang mga miyembro ng Kamara de Representantes sa pagbibigay-pugay kay yumaong Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., na inilarawan niya bilang physician-lawmaker na nagsimula sa pag-aalaga sa mga pasyente sa kanyang lalawigan at kalaunan ay naglingkod sa mga Pilipino sa buong bansa sa pamamagitan ng Kongreso.
Sa kanyang eulogy sa necrological service sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni Dy na sa loob ng tatlong magkakasunod na Kongreso, ipinagkatiwala ng mga taga-Batanes kay Gato ang pribilehiyong kumatawan sa kanila.
“Mula sa pagiging doktor na nangalaga sa kanyang mga kababayan sa Batanes, naging doktor at mambabatas si Congressman Jun na naglingkod sa buong bansa,” sabi ni Dy.
Sinabi ni Dy na ang mga taon ni Gato bilang doktor ay humubog sa paraan ng kanyang pagtupad sa mga responsibilidad bilang mambabatas, partikular sa mga usaping may kinalaman sa public health.
“Bilang doktor, sanay siyang makinig sa kanyang mga pasyente. Bago magbigay ng diagnosis, inaalam muna niya ang kanilang nararamdaman. Bago magbigay ng lunas, inuunawa muna niya ang pinagmumulan ng kanilang karamdaman,” sabi ng Speaker.
“At marahil iyon din ang dinala ni Congressman Jun sa Kongreso. Sa bawat committee hearing. Sa bawat panukalang batas. Sa bawat diskusyon tungkol sa kalusugan. Sa bawat desisyong maaaring makaapekto sa buhay ng isang Pilipino,” dagdag pa nito.
Naalala ni Dy na nagkaroon sila ni Gato ng pagkakataong pag-usapan ang ilan sa mga agarang usapin sa healthcare ng bansa, kabilang ang PhilHealth, zero balance billing, at ang panukala ni Gato na magtatag ng specialized center para sa healthcare needs ng mga senior citizen.
“Ang tumatak sa akin: kahit doktor siya, lagi niyang tinitingnan ang mga usaping ito mula sa kalagayan ng pasyente—lalo na ng mga pamilyang kapos at hirap makakuha ng sapat na health care,” sabi niya.
“Kaya nang pag-usapan namin ang zero balance billing, nakita kong hindi iyon simpleng usapin ng polisiya para sa kanya. Pareho ang pangarap namin na dumating ang araw na maging accessible at abot-kaya ang health care para sa bawat pamilyang Pilipino,” dagdag ni Dy.
Nangako si Dy na ipagpapatuloy ng Kamara ang mga healthcare reform na isinulong ni Gato, kabilang ang panukalang Dr. Eva Macaraeg-Macapagal National Center for Geriatric Health and Research Institute, na magbibigay ng specialized healthcare para sa mga senior citizen. (Billy Begas)


