WebClick Tracer

Solo parents hindi na kakaltasan ng PhilHealth contribution

Hindi na kakaltasan ng premium contribution para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang suweldo ng mga solo parent na nasa formal sector.

Sa budget deliberation sa panukalang budget ng Department of Health noong Huwebes, nagtanong si BH party-list Rep. Robert Nazal sa PhilHealth kaugnay ng pagpapatupad ng Expanded Solo Parents Welfare Act (Republic Act 11861).

“Kailan finally ma-i-implement ang government share in the PhilHealth contribution of employed solo parents under RA 11861?” tanong ni Nazal.

Ayon kay Bataan Rep. Albert Garcia, ang sponsor ng panukalang budget ng DOH at attached agencies nito na sinimulang ipatupad ang probisyon ng batas simula Huwebes, September 24, 2026.

“Napaka-timing ng inyong tanong dahil effective today, implement na,” sabi ni Garcia.

Nilinaw naman ito ni Nazal, “Ibig sabihin, wala nang employed solo parent na kakaltasan? PhilHealth na sasagot nito?”

Ayon kay Garcia, wala nang salary deductions para sa lahat ng employed solo parent, nasa public man o private sector.

“That’s very good news for the solo parents,” sabi ni Nazal.

Ayon naman kay Bagong Henerasyon chairperson and spokesperson Bernadette Herrera, ang national government na ang magbabayad ng premium contributions ng mga solo parent, alinsunod sa RA 11861.

“Para sa mga solo parent na nagtatrabaho, finally lumabas na ang circular at pipirmahan na today and effective today, wala na kayong premium contribution na ikakaltas sa inyong mga suweldo. Bakit? Dahil sagot na ito ng national government sang-ayon sa RA 11861,” sabi ni Herrera.

Isa si Herrera sa mga pangunahing may-akda ng RA 11861 na naging batas tatlong taon na ang nakalilipas.

“Matagal kong ipinaglalaban ito para sa inyo. Nagbunga na, so finally makikita niyo at mararamdaman niyo na ito. Ito po ay regalo ng PhilHealth sa atin,” sabi ni Herrera.

“Ito po ay siyempre accomplishment ng Bagong Henerasyon. Maraming salamat sa tulong at suporta sa pag-iingay para nang sa ganoon ganap nang sagot ng gobyerno ang PhilHealth contribution ng ating mga solo parents na nagtatrabaho, whether private or government,” dagdag pa nito. (Billy Begas)