WebClick Tracer

Sara Duterte: Tamang values dapat maitaguyod sa kabataan panangga sa recruitment

Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte ang kahalagahan na maitaguyod ang values at tamang pag-uugali sa mga estudyante upang hindi sila madaling ma-recruit ng mga grupong umano’y may hindi kanais-nais na agenda.

Sa panayam sa Davao City nitong Setyembre 25, sinabi ni Duterte na nakikita umano ang napakalakas at napakabilis na recruitment ng Makabayan bloc sa mga estudyante, lalo na sa mga kolehiyo at unibersidad.

Ayon sa bise presidente, kailangang baguhin kung paano pinapalaki at hinuhubog ang mga anak at estudyante, partikular sa pagtataguyod ng kanilang values at tamang asal.

“Kailangan talaga i-rewire, baguhin natin kung paano pinapalaki ‘yung ating mga anak at ating mga estudyante,” saad niya.

“Dapat ma-establish ang kanilang values, tamang attitude at proper behaviour para naiintindihan nila kapag nire-recruit sila sa mga hindi kanais-nais na mga agenda, nakikita kaagad nila na red flag ito, hindi ako sasali dito kasi mali ito at hindi ako sasali dito kasi posibleng masira ang buhay ko dito,” dagdag pa niya. (IS)