WebClick Tracer

Prosecution wapakels sa SC petisyon vs conviction threshold

Walang epekto sa prosecution team ang petisyon na inihain ng grupo ni Atty. Vic Rodriguez sa Korte Suprema na kukukuwestiyon sa legalidad ng desisyon ng impeachment court na ibaba ang voting threshold.

“Good luck sir, pero tuloy lang kami sa Lunes,” ang tanging reaksyon ni prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon hinggil sa nasabing petisyon na inihain ng grupo ni Rodriguez isang araw pagkatapos ng botohan sa Senate Impeachment Court noong Miyerkules.

Sa nasabing botohan, 13 ang sumang-ayon na ibase ang 2/3 votes sa bilang ng mga Senator-Judges na regular na dumadalo sa impeachment trial, kung saan isa ang kumontra at 6 ang hindi sumali sa botohan.

Dahil 20 lamang ang regular na dumadalo sa impeachment trial, magiging 14 ang katumbas ng 2/3 mula sa 16 sa kabuuan kung lahat ng 24 senator ang regular na dumadalo sa paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ridon, patuloy nilang gagampanan ang kanilang tungkulin na maglatag ng malalakas na ebidensya na magpapatunay na guilty ang pangalawang pangulo sa mga kasong isinampa ng mga ito sa Impeachment court.

Pinaghahandaan aniya ng prosecution team ang impeachment trial laban kay Duterte sa Lunes kung saan isa sa mga iuupo ng mga ito witness stand bilang hostile witness ang kapatid ng pangalawang pangulo na na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Uusisain sa batang Duterte ang kontratang nakuha ng Gencorp Industries Inc., sa Davao City na unang lumabas na P14.32 millyon subalit inamin ng Alkalde ng mahigit P33 milyon.

Samantala, inamin naman ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na tagumpay para sa prosecution ang pagresolba sa isyu ng threshold habang nasa gitna pa lamang ng paglilitis sa pangalawang pangulo.

“I would say na tagumpay sapagkat naging maliwanag na. I could not imagine the time when boboto ang impeachment court at wala pa rin kaliwanagan kung ano ang threshold vote,” ani Luistro.

“I think naliwanagan ang buong sambayanang Pilipino, hindi lang ang prosecution, hindi lang ang defense, pati lahat ng sumusubaybay sa impeachment court, ganito pala natin idedetermine ang number of votes for conviction at number of votes for acquittal. Maliwanag na maliwanag yun. In all fairness to the impeachment court, the guidelines that were given to us ay kayang kayang unawain kahit ng ordinaryong Pilipino,” ayon pa kay Luistro. (Bernard Taguinod)