Sinuspinde ni Pangulong Bongbong Marcos ang excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng Executive Order No. 125 na inilabas nitong Biyernes, ipinatupad ang full suspension ng excise tax sa LPG, maliban kung gagamitin ito bilang raw material sa paggawa ng petrochemical products o bilang fuel para sa mga sasakyan.
Kasama rin sa suspensiyon ang excise tax sa kerosene, maliban kung gagamitin bilang aviation fuel.
Inilabas ang kautusan matapos irekomenda ng Development Budget Coordination Committee ang pansamantalang pagsususpinde o pagbabawas ng excise tax sa petroleum products.
Ayon sa EO, awtomatikong ibabalik ang dating excise tax rates isang linggo matapos bumaba sa US$80 kada barrel ang one-month average price ng Dubai crude, batay sa certification ng DOE, o kapag natapos ang tatlong buwang suspension. (IS)


