Inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ipatupad ang fare hike sa mga public utility vehicle na sinuspinde noong Marso.
Simula Lunes, Setyembre 28, magiging P14 na ang minimum fare sa traditional jeepney para sa unang apat na kilometro mula sa dating P13.
Para naman sa bawat susunod na kilometro, magiging P2 na ang dagdag mula sa dating P1.80.
Samantala, sa modern jeepneys, magiging P17 ang minimum fare sa unang apat na kilometro, mula sa P15.
Dagdag na P2.40 naman para sa susunod na kilometro mula sa P2.20.
“Ito ay pagkilala sa tunay na gastos at bigat na pasan ng bawat tsuper at operator sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” pahayag ng DOTr. (IS)


