Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suporta ng gobyerno sa mga Pilipinong astronaut sa pamamagitan ng pagpapalakas sa space science.
Ang pangako ay ginawa ng Pangulo matapos ang ginawang courtesy call sa Malacañang ni Kristine Jane Atienza, ang unang Pilipinong nagsanay para sa commercial spaceflight sa National AeroSpace Training and Research Center sa Pennsylvania.
Si Atienza ang kauna-unahang Philippine analog astronaut sa ilalim ng Hawaii Space Exploration Analog and Simulation Program.
Kasama ni Atienza ang iba pang Filipino astronauts sa courtesy call sa Malacañang.
Sa ginanap na pulong sa Malacañang, tinalakay ang analog missions, mga susunod na programa ng Philippine Space Agency (PhilSA) at mga oportunidad para sa human space flight.
Ayon sa Presidential Communications Office, kabilang sa tinalakay ng Pangulo sa mga Filipino astronaut ang Analog Habitat Waypoint (ANAHAW), isang university-based analog mission para paunlarin ang kakayahan ng mga Pilipino sa human spaceflight-related research mission operations. (Aileen Taliping)


