WebClick Tracer

Mga nagbanta sa eskuwelahan sa Valenzuela City natukoy

Natukoy ng mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang sangkot sa pambabantang natanggap ng Polo National High School sa Valenzuela City noong Huwebes ng hapon.

Bandang alas-3 ng hapon nang agad rumesponde ang mga pulis sa paaralan matapos matanggap ang ulat ng umano’y pagbabanta at agad na nagsagawa ng imbestigasyon.

Pagsapit ng alas-6 ng gabi, sa tulong ng Barangay Polo, Anti-Cybercrime Group at Task Force on Fraternities and Gangs Intervention and Prevention, natukoy at dinala sa Valenzuela City Police Station Women and Children Protection Desk ang mga pinaghihinalaang sangkot na pawang mga menor de edad, para sa kaukulang proseso at patuloy na imbestigasyon.

Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan at mga awtoridad ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at iba pang nasa komunidad. (Cherk Balagtas)