Hindi pinalampas ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang ilang social media post na kumuwestiyon sa isang ambulansya ng lungsod na wala umanong stretcher habang isinasakay at ibinibiyahe ang isang pasyente.
Ayon kay Gatchalian, agad niyang sinuri ang buong pangyayari bago magbigay ng pahayag. Lumitaw umano na naiwan ang stretcher sa ospital matapos dalhin doon ang naunang pasyente dahil sa kakulangan ng hospital beds.
Sa Barangay Coloong, kinailangang gamitin ang available na ambulance nang may emergency matapos madulas at magkaroon ng pinsala sa ulo ang isang ama. Dinala siya sa Valenzuela Emergency Medical Center, ngunit nakuhanan muna ng larawan habang tinutulungan ng pamilya sa loob ng ambulance. Kalaunan, pumanaw ang pasyente.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Gatchalian sa pamilya ng nasawi at hiniling ang pag-unawa sa sitwasyon. Nilinaw din niyang hindi niya sinasabing tama ang pagbiyahe ng pasyente nang walang stretcher, ngunit kailangang makita umano ang buong konteksto bago husgahan ang insidente.
Dahil dito, pinagbabawal na ng Valenzuela City ang pag-iwan ng ambulance stretcher sa mga ospital. Dapat manatili ang stretcher sa mga ambulance upang agad itong magamit sa oras ng emergency.
Iginiit din ng alkalde na hindi dapat gawing solusyon ang pagbili ng karagdagang stretcher para tumbasan ang kakulangan ng hospital beds, dahil ang stretcher ay bahagi ng ambulance at dapat itong manatili roon. (Cherk Balagtas)


