WebClick Tracer

Konstitusyon dapat bigyang-buhay, hindi ‘patayin’ sa interpretasyon – prosecution

Dapat umanong bigyang-buhay at hindi mawalan ng bisa ang isang probisyon ng Konstitusyon sa pamamagitan ng interpretasyon nito, ayon kay Atty. Jay Tolosa, legal spokesperson ng House prosecution panel sa impeachment trial.

Sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Tolosa na dapat isaalang-alang sa pag-interpret ng Constitution ang layunin ng mga probisyon nito, partikular ang mekanismong nagtitiyak ng pananagutan ng mga public official.

“The rule in interpretation of laws including the Constitution is that you should interpret it in such a way that you will give life to that provision and not kill it,” pahayag ni Tolosa.

Sinabi niya ito kaugnay ng usapin sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kapag may mga senator-judge na personal na hindi makadalo sa impeachment court.

Ipinaliwanag niya ang argumento, halimbawa, sa sitwasyong 15 na lamang ang natitirang senador na maaaring lumahok sa impeachment proceedings.

Aniya, kung gagamitin ang interpretasyon na nangangailangan pa rin ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado, maaaring mawalan ng bisa ang impeachment mechanism.

Kung ganoon umano ang magiging interpretasyon, hindi na maaaring ma-impeach ang isang impeachable officer dahil hindi na maaabot ang kinakailangang boto.

Ayon kay Tolosa, kailangang iugnay ang usapin sa hiwalay na probisyon ng Constitution na nagsasabing dapat laging managot ang mga public official sa taumbayan.

“This is the most important accountability mechanism under the Constitution and you cannot resort to it so that cannot be the interpretation,” ani Tolosa.

Giit niya, hindi dapat magkaroon ng interpretasyon na magiging dahilan upang tuluyang mawalan ng bisa ang impeachment bilang mekanismo ng pananagutan sa ilalim ng Constitution.

Panoorin ang buong panayam kay Tolosa sa September 25 episode ng programang “The Spokes”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook pages ng Bilyonaryo News Channel. (AM)