Mayroon umanong sapat na ebidensiya ang House prosecution panel upang ikonek si Vice President Sara Duterte at negosyanteng si Jaime Cruz.
Lalabas umano ito habang inilalatag ang mga ebidensiya kaugnay ng umano’y unexplained wealth ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa sa Senate impeachment court.
Sa isang panayam sa telebisyon, tinanong si House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora kung maitatatag ng prosecution panel sa pamamagitan ng mga dokumento ang koneksyon nina Duterte at Cruz.
“Well, we have the evidence for that. So I just ask everyone to be patient as we will be presenting the evidence that we are all awaiting,” sabi ni Zamora.
Lumutang ang pangalan ni Cruz sa mga corporate record na inilabas ng prosekusyon na bahagi ng Article II o alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang mga dokumentong may kaugnayan sa GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp.
Batay sa mga tinalakay na rekord sa mga nakaraang paglilitis lumilitaw ang pangalan nina Cruz at Duterte sa mga corporate document ng Metro City Chow, habang lumitaw rin si Cruz sa mga rekord ng SEC na konektado sa GenCorp, na inilista naman ng Bise Presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Cruz bilang special envoy to China at kalaunan ay inalok ng pinakamataas na posisyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), ngunit tumanggi siya.
Ipinahiwatig ni Zamora na sadyang hindi pa inilalabas ng prosecution ang lahat ng ebidensyang gagamitin nito upang maitatag ang koneksyon nina Duterte at Cruz.
Nang tanungin kung bakit hindi pa iniharap ng mga prosecutor ang materyal na magtatatag ng ugnayan ng dalawa, sinabi ni Zamora, “Well, I think that’s something that I cannot disclose.”(Billy Begas)


