Binatikos ni Manila Rep. Joel Chua ang sinibak na Cavite representative na si Francisco “Kiko” Barzaga dahil sa pagdiriwang umano sa pagkamatay ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. at paglalarawan dito bilang political victory sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“Para sa isang nepo baby, bastos siya,” sabi ni Chua sa press conference nitong Biyernes.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Barzaga, “Pro-impeachment Congressman ng Batanes, namatay!”
Sa isa pang post, sinabi ni Barzaga, “Nakakaawa si Batanes Congressman Gato eh, inexpel niya ako sa Kongreso, pero asan na siya ngayon?… Patay! Habang ako chill lang, swimming lang dito sa China kasama mga eabab ko nyahahahaha! God Bless the Filipino people.”
Namatay si Gato nitong Lunes sa edad na 66 habang nagsisilbi sa kanyang ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng Batanes.
Noong Hunyo, sinibak ng House of Representatives si Barzaga sa botong 265-14, na may walong abstention, dahil sa disorderly behavior, conduct unbecoming of a member, at paglabag sa House Code of Conduct. (Billy Begas)


