WebClick Tracer

Kauna-unahang NBA MVP na si Bob Pettit pumanaw na

Pumanaw na ang basketball legend at Hall of Famer na si Bob Pettit, ang kauna-unahang nagwagi ng NBA Most Valuable Player (MVP) award, sa edad na 93.

Ayon sa kanyang pamilya, tahimik na pumanaw si Pettit sa kanyang tahanan sa Metairie, Louisiana noong Setyembre 23, ngunit hindi inilabas ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa kanyang 11-season NBA career, naging 11-time All-Star, two-time NBA MVP, two-time scoring champion at four-time All-Star Game MVP si Pettit.

Naging bahagi rin siya ng NBA 75th Anniversary Team at kabilang sa Naismith Basketball Hall of Fame mula 1971.

Pinangunahan niya ang St. Louis Hawks sa NBA championship noong 1958 at tinanghal na Finals MVP.

Sa Game 6 laban sa Boston Celtics, nagtala siya ng 50 puntos, na naging unang pagkakataong umabot sa naturang marka ang isang manlalaro sa NBA Finals.

Nagtala si Pettit ng career averages na 26.4 puntos at 16.2 rebounds sa 792 regular-season games.

Sa 88 playoff games naman, nag-average siya ng 25.5 puntos at 14.8 rebounds.

Bago maging NBA star, naglaro siya sa LSU at naging two-time All-American.

Nananatili ang kanyang legacy sa basketball, kabilang ang retiradong No. 9 jersey ng Hawks. (AM)