Magpapasok ng institutional amendments ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panukalang 2027 budget nito upang bigyang-prayoridad ang mga proyektong pinakakinakailangan matapos ang kamakailang habagat.
Sa panayam sa Kamara de Representantes noong Huwebes ng gabi, sinabi ni DPWH Sec. Vince Dizon na tutukuyin ng departamento ang mga proyektong maaaring ipagpaliban muna ang pagpapatupad upang bigyang-daan ang mga priority project sa gitna ng limitadong budget.
“Talaga po, kailangan lang i-prioritize ang mga proyekto. Halimbawa po, itong nakaraang Habagat, meron po tayong nakitang mga importanteng mga proyekto na hindi po nakita ng isumite ang mga proyektong nakapaloob sa NEP (National Expenditure Program) nung early part of this year,” sabi ni Dizon.
“Nung nakita po natin na kailangan ito, as long as kompleto ang requirement nung mga proyektong ito ay kailangan po maging responsive din tayo sa mga immediate na pangangailangan,” dagdag niya. “So, marami dito ay mga importanteng mga proyekto na nakita natin na kailangang-kailangan talaga.”
Sinabi ni Dizon na hindi pa natatapos ang pagrepaso sa listahan ng proyekto at nasa P20 bilyon ang tinatayang halaga nito, na mas mababa kumpara sa institutional amendments noong mga nakaraang taon na umabot sa daan-daang bilyong piso.
“Tinitingnan po namin yung mga proyekto na hindi na masyadong priority at yun po yung mga ibabawas natin,” sabi ng kalihim.
“Lahat naman po ito, ipa-publish din natin at gagawin nating publiko itong mga pagbabagong ito. Wala po tayong itatago sa mga kababayan natin pera po nila yan,” dagdag pa ni Dizon.
Nang tanungin kung anu-anong proyekto ang kasama sa institutional amendments, sinabi ni Dizon na kabilang dito ang drainage improvements, detention basins, at bypass roads na kumpleto ang mga requirement.
“Meron kasing iba na hindi pa kompleto ang requirements nung deadline na ng DBM or ngayon lang nagkaroon ng right-of-way clearances,” sabi ng DPWH chief.
“Meron din tayong nakitang mga proyekto na talagang kailangang-kailangan ng mga communities. Nakita natin ngayon lang nung nag-ikot tayo after ng Habagat,” dagdag niya. “Hindi lahat flood control, merong mga bypass na ngayon lang nakompleto clearances.”
Binigyang-diin ni Dizon na magiging publiko ang mga proyekto.
“Ang importante dito yung transparency na lahat ito ilalabas natin para malaman ng mga kababayan natin,” dagdag pa ng kalihim. (Billy Begas)


