Nagsalita ang veteran actress na si Dexter Doria tungkol sa hindi pagkakasama ni Vilma Santos sa mga hinirang bilang bagong National Artist.
Para kay Dexter, posible naman umanong maging National Artist si Vilma na tinaguriang Star for All Seasons pero naniniwala siyang kailangan pa nitong makagawa ng mga pelikulang may malaking cultural relevance.
Ayon sa beteranang aktres ay ito umano ang nakikita niyang posibleng kakulangan kung bakit hindi pa nailuklok si Ate Vi bilang Pambansang Alagad ng Sining.
Hindi naman ibig sabihin nito na hindi raw karapat-dapat si Vilma sa naturang pagkilala. Sa pananaw ni Dexter, mahalaga rin sa pagpili ng National Artist ang naging kontribusyon ng isang artista sa kultura at sining ng bansa kabilang ang mga obrang pelikula na may pangmatagalang kabuluhan.
Samantala, nang tanungin kung sinu-sino ang nais niyang maging National Artist ay dalawang pangalan ang agad niyang binanggit at ito ay sina Christopher de Leon at Eddie Garcia. (Rodel Fernando)


