Isinailalim sa inspeksyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mining site ng Altai Philippine Mining Corporation sa Romblon.
Sa naturang inspeksyon, nakita ang mga nahukay na bahagi na pinaniniwalaang ginamit sa pagkuha ng lupa sa mga nakaraang operasyon.
Ayon kay DENR Assistant Secretary Atty. Norlito Eneran, kailangan ng site ang rehabilitasyon dahil sa umano’y pinsala.
Hindi rin umano dapat magkaroon ng anumang karagdagang aktibidad na may kaugnayan sa pagmimina habang umiiral ang Cease and Desist Order (CDO) laban sa kompanya.
Samantala, sinabi ng community relations team ng Altai na hindi pa nito ipinagpapatuloy ang operasyon mula nang ilabas ang CDO at nakahanda itong sumunod sa mga requirement ng DENR.
Ang Altai Philippine Mining Corporation ay kompanya na inuugnay kay plastic magnate William Gatchalian. (AM)


