Mabilis na natapos ang deliberasyon ng Kamara de Representantes sa panukalang budget ng Office of the Ombudsman at Judiciary para sa susunod na taon dahil walang kongresista na nagtanong.
Tumayo sa podium si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez upang i-sponsor ang panukalang P7.33 bilyong budget ng Office of the Ombudsman, ang unang ahensya sa listahan ng mga tatalakayin ngayong araw.
“The Office of the Ombudsman stands as a vital vanguard against corruption, inefficiency, and high-handedness in public service,” sabi ni Rodriguez. “The proposed budget aims to fortify, strengthen the agency’s core mandate of strengthening investigative, prosecutorial, and administrative capabilities.”
Ayon kay Rodriguez, kabilang sa panukalang budget ang mga pagpapahusay sa digital infrastructure, pagpapalakas ng case tracking, at forensic investigations.
Matapos ang sponsorship speech, sinabi ni Kabataan Rep. Renee Co na walang miyembro ng minorya na nais mag-interpellate sa sponsor kaugnay ng budget ng Ombudsman kaya hiniling nito na tapusin na ang deliberasyon.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Pangasinan Rep. Marlyn Primicias-Agabas na nakikiisa ang mayorya sa minorya sa mosyon na tapusin ang deliberasyon sa panukalang budget ng Ombudsman.
Pinasalamatan ni Rodriguez ang kanyang mga kasamahan at sinabi na ito ang pinakamabilis na deliberasyon ng budget mula noong 2007 ng siya ay unang maging mambabatas.
In-sponsor din ni Rodriguez ang panukalang budget ng Judiciary, na kinabibilangan ng Supreme Court, Sandiganbayan, Court of Appeals, at Court of Tax Appeals. Nagkakahalaga ito ng P86.27 bilyon, kabilang ang automatic appropriations, at 22% na mas mataas kumpara sa budget ngayong taon.
Sinabi ni House Deputy Minority Leader at APEC party-list Rep. Sergio Dagooc na “considering that there is no single member from the minority who wishes to interpellate the sponsor from the City of Golden Friendship, I move to terminate the period of interpellation and debate on the budget of the Judiciary for the fiscal year 2027.”
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Pampanga Rep. Alyssa Michaela Gonzales na nakikiisa ang mayorya sa minorya sa pagtatapos ng deliberasyon sa budget ng Judiciary.
Inaprubahan ni House Deputy Speaker Yevgeny Emano, ang presiding officer ng sesyon, ang mga mosyon para tapusin ang deliberasyon sa budget ng Ombudsman at Judiciary. (Billy Begas)


