WebClick Tracer

De Lima: Walang pakinabang ang taumbayan sa pagpapaliban ng BSKE

Inihayag ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na walang pakinabang ang taumbayan sa panibagong pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election.

“Hindi taumbayan ang makikinabang sa paulit-ulit at niratsadang BSKE postponement,” ani De Lima matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang sa Republic Act No. 12326, o Act Fixing the Term of Office of Barangay Officials and Members of the Sangguniang Kabataan to Five Years”.

Kaakibat ng nasabing batas ang pagpagpapaliban sa BSKE sa November 13, 2028 na unang itinakda sa November 2, 2026.

Labis din ang paghihinayang ni De Lima sa pondong nagamit o nagastos na umano ng Commission on Elections (Comelec) sa nasabing halalan na base sa report ay umaabot na sa P8 bilyon.

“Bilyon-bilyong pondo na nagastos na ang masasayang. Ipagkakait na naman ang karapatan nating bumoto, at ang pagkakataong makapaglingkod ang marami pang karapat-dapat na lider – mga karapatan itong dapat igalang, hindi ine-etsapuwera o isinasakripisyo,” ayon pa sa mambabatas.

“Hindi reporma ang ibubunga ng paulit-ulit na BSKE postponement, kundi paglala ng mga perwisyong hatid ng sistemang padrino,” dagdag pa ni De Lima. (Bernard Taguinod)