Kinontra ni House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo ang panukalang itaas ang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC), na mas kilala bilang road user’s tax, dahil dagdag umano itong pasanin sa middle class.
Kabilang ang MVUC sa mga nais ng Department of Finance (DOF) na itaas upang makalikom umano ng karadagang pondo para sa maintenance ng mga kalsada sa buong bansa subalit ibinasura ito ni Quimbo dahil dagdag na pasanin ito sa mga ordinaryong motorista.
“Naiintindihan natin ang pangangailangan para sa mas malaking pondo para sa maintenance ng ating mga kalsada. Pero hindi ibig sabihin na ang pinakamadaling paraan ay agad na ipasa ang dagdag na gastusin sa ordinaryong motorista,” ani Quimbo.
Ikinatuwiran ng DOF na kailangang itaas na ang road user’s tax dahil pataas ng pataas ang gastos sa pagmementina sa mga national road dahil sa inflation rates kung saan mula umano sa P4.5 million na ginagastos sa bawat kilometro noong 2007 ay umakyat na ito sa P27.6 million noong 2022.
Gayunpaman, umaabot lamang umano sa P18.6 bilyon ang nakolektang buwis sa pagpaparehistro ng sasakyang noong 2022 mula sa P8.3 billion noong 2007 na humirit ang DOF na dagdag na buwis sa mga motoristang gumagamit ng mga kalsada.
Kung pagbibigyan ng Kongreso ang DOF, magkakaroon umano ng karagdang P20.66 billion sa 2027; P21.78 billion sa 2028; P22.95 billion sa 2029 at P24.19 billion in 2030 o karagdagang 109 percent increase sa nasabing buwis subalit hindi ito pinayagan ni Quimbo dahil dagdag na pasanin ito sa mga motorista.
“Kung kailangan ng dagdag na revenue, tingnan muna natin kung saan mas may kakayahang mag-ambag. Hindi dapat automatic na ang ordinaryong taxpayer at motorista ang sasalo ng dagdag na pasanin,” ani Quimbo.
Hindi rin ito anya napapanahon dahil hindi pa naibibigay ang karagdagang tax exemption sa mga middle class workers ay papatawan na agad ang mga ito ng panibagong buwis sa pamamagitan ng road user’s tax.
“Tama na dapat nating mapanatili at mapaganda ang ating mga kalsada. Pero kailangan din nating maging patas sa paghahanap ng pondo para dito. Ang road maintenance ay responsibilidad ng gobyerno, at dapat nating hanapan ng paraan na hindi dagdag-pasanin para sa mga ordinaryong Pilipino ang magiging default na solusyon,” ani Quimbo. (Bernard Taguinod)


