Mas seryoso umano ang kampanya ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos laban sa korapsiyon kumpara sa nakaraang administrasyon, ayon sa abogado at law professor na si Howard Calleja.
“If you look at it now in the Marcos time, tingin ko mas serious ‘yong accountability, mas serious ‘yong transparency kasi mas marami siyang napakulong, whether kaibigan niya or kamag-anak,” ani Calleja sa isang TV interview nitong Setyembre 24.
Sinabi rin niyang nang mabunyag ang korapsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Bureau of Customs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay wala namang ginawa hinggil dito at walang naipakulong.
“What happened during those six years of Duterte? Instead of going after these crooks, ‘di ba dineclare na nga niya na maraming corruption sa DPWH, maraming corruption sa Customs, etc… pero may napakulong ba sila at that time?” saad niya.
Kabaligtaran aniya ito ni Pangulong Marcos Jr., na siya umano mismong nagbunyag ng korapsiyon sa mga flood control project at nag-utos ng masusing imbestigasyon na humantong sa pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang kontratista at mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga miyembro ng Kongreso.
Binanggit din ni Calleja na ang noo’y Ombudsman na si Samuel Martirez, na isang Duterte appointee, ay pumigil pa nga sa pag-access sa SALN ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Saad pa niya, na habang nag-utos si Duterte ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno, ipinahayag naman ni Martirez: “The SALN is just a paper. Hindi ko nga ilalabas ‘yan.”
“So ang tanong din during the time of Ombudsman Martirez, may nagawa ba? May nakulong ba? Mayroong nakulong noong panahon ni PNoy, pinakawalan pa nila,” ani Calleja.


