WebClick Tracer

Bus natumbahan ng truck sa Calauag, Quezon; nagdulot ng 5 oras na trapik

Nagdulot ng halos limang oras na matinding trapiko sa Maharlika Highway sa Calauag, Quezon ang isang aksidente kung saan natumbahan ng truck ang isang bus.

Nangyari ang insidente dakong alas-11 ng gabi noong Huwebes sa bahagi ng Maharlika highway sa Barangay Viñas, Calauag.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Calauag police, bumabagtas patimog ang Isuzu truck na may kargang mga sako ng feeds nang mawalan ito ng balanse sa pababa at kurbadang bahagi ng highway.

Bumagsak ang truck sa kaliwang bahagi at natumbahan ang isang Superlines bus na nagresulta sa pinsala sa dalawang sasakyan.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente at ligtas ang mga pasahero at sakay ng dalawang sasaskyan.

Pero dahil sa aksidente, matinding pagsisikip ng trapiko ang naranasan sa lugar, na ayon sa isang commuter ay umabot sa halos limang oras ang mabagal na daloy ng mga sasakyan. (Ronilo Dagos)