WebClick Tracer

Bet ni PBBM? Robredo-Pacquiao tandem posible sa 2028 – Banayo

Posibleng pagsamahin sina dating Vice President at incumbent Naga City Mayor Leni Robredo at dating senador Manny Pacquiao bilang para sa halalan sa 2028, ayon sa political analyst na si Lito Banayo.

Ito ay mula sa isang source umano sa Malacañang na nagsabi sa kanya na maaaring maging “Leni-Pacman team” ang tandem sa 2028.

“A source from inside the Palace told me it’s going to be a Leni-Pacman team,” ani Banayo sa panayam sa programang “At The Forefront” ng Bilyonaryo News Channel.

Iniugnay ni Banayo ang sinasabing plano sa pagkakatalaga kay Pacquiao bilang secretary at lead convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), isang Cabinet-level post.

Matatandaang nanumpa si Pacquiao sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong unang bahagi ng Setyembre.

“That’s why Pacquiao was appointed National Anti-Poverty Commission chairman,” ani Banayo, at sinabi ring ginawa ang appointment nang hindi ipinabatid sa dating humawak ng posisyon.

Samantala, binanggit ni Banayo ang isang survey na isinagawa mula Hulyo 4 hanggang 11 sa 1,200 respondents sa buong bansa.

Nagpakita aniya ito ng 48% na suporta sa tambalang Vice President Sara Duterte at Senator Robin Padilla, kumpara sa 36% para kina Robredo at Senator Bam Aquino. Nasa 16% naman ang undecided.

Ayon kay Banayo, maaaring maiugnay ang mataas na survey numbers ni Duterte sa pananaw ng ilang botante na siya ang “carrier of the Duterte brand”, sa kanyang suporta sa Mindanao at Central Visayas, at sa paniniwala ng ilan na siya ay inuusig sa pulitika.

Gayunman, binigyang-diin niya ang 16% undecided voters na aniya ay maaaring magkaroon ng mahalagang papel sa magiging takbo ng mga numero.

“Forty-eight percent versus 36 percent, you have a 16 percent undecided. ‘Yun ‘yung deciding factor,” pahayag ni Banayo.

Sinabi rin ni Banayo na magpapatuloy umano ang mga hakbang na naglalayong pahinain sa pulitika si Duterte, na ayon sa kanya ay maaaring makaapekto sa kanyang political support at sa nagpapatuloy na impeachment process.

Panoorin ang buong panayam sa September 25 episode ng “At the Forefront”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook.