Muli umanong pinatunayan ni expelled Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga kung gaano ito kabastos matapos ang tila pagyurak nito kay Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., na pumanaw noong Setyembre 21.
“Talagang bastos ‘yan!” ani House committee on human rights chairman at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., bilang reaksyon sa social media post ni Barzaga matapos pumanaw si Gato na chairman ng House committee on health.
“Nakakaawa si Batanes Congressman Gato eh, inexpel niya ako sa Kongreso, pero asan na siya ngayon?….Patay! Habang ako chill lang, swimming lang dito sa China kasama mga eabab ko nyahahahaha,” ani Barzaga.
Hindi ito nagustuhan ni Abante pambabastos ito sa isang yumao na hindi kultura aniya ng mga Pilipino.
“Pati Tatay nya na magaling at matino naapektuhan dahil sa kanya,” ani Abante na ang tinutukoy ay si dating Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., na pumanaw noong Abril 27, 2024 habang nagpapagamot sa Amerika.
Hindi ito ang unang pambabastos ng batang Barzaga na kilala din bilang Congmeow dahil ginawa niya ito kay dating Antipolo City Rep. Romeo Acop matapos pumanaw ang huli noong December 2025.
“Corruption and plunder against the Filipino people is a sin against the Lord! Congressman Romeo Acop is now suffering through eternal damnation, he has left the comfort of his luxurious mansion in exchange for a pit eternal hellfire, that is the fate of all corrupt politicians!,” ayon sa post ng expelled congressmen habang binubuno nito ang unang 60 days suspension na nagsimula ng December 1, 2025 dahil sa inaasal nito, hindi lamang sa loob ng plenaryo ng Kamara kundi sa social media.
Dahil hindi nagbabago ay muling pinatawan ng pangalawang suspensyon si Barzaga noong Pebrero 4, 2026 ay kalaunan ay sinibak ito bilang miyembro ng Kamara noong June 2, 2026 at dahil walang kinatawan ang nasabing distrito ay nagpatawag ng special election noong Agosto 29, 2026 kung saan nanalo ang kanyang inang si Dasmarinas City Mayor Jenny Barzaga.
“Nakalimutan niya mamamatay din siya,” komento pa ni Abante sa ginawang pambabastos ng expelled Congressman kina Acop at Gato. (Bernard Taguinod)


