Dapat umabot hanggang fourth degree of consanguinity o affinity ang saklaw ng panukalang batas laban sa political dynasty, ayon kay Atty. Carlo Africa ng grupong Dapat Isa Lang.
Sa programang “Abogado” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Africa na ang mga nakabinbing anti-political dynasty bill sa Kongreso ay resulta umano ng “kompromiso”.
“Kasi as you mentioned, the very people who will be passing this law are political dynasties,” aniya.
Sinabi niya na nauunawaan nila kung bakit naging mas limitado ang bersiyon ng panukala sa Senado, habang hindi naman aniya katanggap-tanggap para sa kanilang grupo ang bersiyon sa Kamara.
Dahil dito, isinusulong ng kanilang grupo ang people’s initiative upang maipasa ang bersiyon ng batas na mas malawak ang saklaw at hindi nakabatay sa mga kompromiso sa politika.
Inihalintulad ni Africa sa cancer ang political dynasties at sinabi niyang hindi ito dapat solusyunan sa pamamagitan lamang ng bahagyang pagbabago.
Para sa kanilang grupo, dapat mas malawak ang saklaw ng pagbabawal, kabilang ang mga kamag-anak hanggang fourth degree, upang masaklaw ang malaking bahagi ng mga political dynasty sa bansa.
“Political dynasties is the cancer of our institutions. So many problems that we have in the country. The way for us to beat cancer, you don’t cure cancer with paracetamol. You don’t cure cancer by taking out 30% of it. For us, you take out cancer by taking as much of it out as possible,” saad niya.
Binanggit ni Africa ang mga pag-aaral at datos ng Comelec na aniya’y nagpapakitang malaking bilang ng political dynasties sa bansa ang maaaring mapasailalim sa naturang saklaw.
“That’s what we’re pushing for. That’s what we’re fighting for,” wika niya.
Panoorin ang buong panayam sa September 24 episode ng “Abogado”.
Napapanood ang programa tuwing Huwebes ng 8:00 PM sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Cignal Play, at sa official BNC YouTube at Facebook accounts. (IS)


