Marami raw natutunan ang actor-director na si Art Halili matapos ang mga pagsubok na dumating sa kanyang buhay lalo na ang naging isyu sa pagitan nila ni Juliana Parizcova Segovia na itinuring niyang malaking dagok sa kanyang buhay.
Sa guesting niya noong nakaraang linggo sa Marisol Academy ng Abante News TV, ibinahagi ni Direk Art na isa sa pinakamahalagang aral na natutunan niya ay ang huwag basta-basta magtiwala nang lubusan sa ibang tao.
Gayunman, aminado rin siyang sa panahon na bagsak siya at dumaranas ng matinding pagsubok ay may mga tunay na kaibigan na hindi siya iniwan at patuloy na nasa kanyang tabi.
Sa ngayon, mas pinipili na ni Direk Art na maging positibo at ituon ang kanyang panahon at enerhiya sa kanyang buhay at career. Anuman ang mga negatibong nangyari sa kanyang paligid ay nagpapasalamat siya dahil marami pa rin siyang kaibigang patuloy na sumusuporta sa kanya.
Kaya naman, move on na si Direk Art at mas nakatuon na siya sa mga bagong oportunidad. May mga bagong endorsement at upcoming projects din siyang pinagkakaabalahan at kabilang dito ang isang proyekto kasama ang kanyang mommy sa showbiz na si veteran actress Dexter Doria. May mga idi-direk din siyang mga infomercial bago matapos ang taon.
May pinag-uusapan din siyang Christmas concert kasama ang dating producer ng kanyang concert. Kabilang umano sa mga posibleng tampok dito ang Tara Lezz Go at H2H Talents.
Bukod sa kanyang mga showbiz project, isa rin sa pinagkakaabalahan ngayon ni Direk Art ang kanyang pagiging ambassador ng Hamada Massage and Wellness Spa.
Malinaw na para kay Direk Art, tapos na ang isang kabanata ng kanyang buhay at panahon na para harapin ang mga bagong oportunidad, proyekto at mas positibong direksiyon ng kanyang career. (Rodel Fernando)


