Inihayag ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago na bunga ng people’s movement sa nakaraang 15 taon ang absolute pardon na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Mary Jane Veloso.
“Hindi kusang-loob na dumating ang kalayaan ni Mary Jane. Pinaglaban ito ng kanyang pamilya, mga migranteng Pilipino, taong simbahan, human rights defenders, women’s groups, lawyers, at mamamayang patuloy na nanindigan kahit ilang taon nang tila walang kasiguruhan ang kanyang paglaya,” ani Elago.
Si Veloso ay unang nakulong sa Indonesia sa loob ng 14 taon matapos mahulihan ng ilegal na droga kung saan unang nasentensyahan ng parusang kamatayan subalit napigil ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
“Ang bawat pagkilos, protesta, petisyon, panawagan at pagtindig para kay Mary Jane ay bahagi ng tagumpay na ito,” ani Elago.
Noong December 2024 ay pormal nang inilipat sa kustodya ng Pilipinas si Veloso na biktima ng human trafficking subalit ipinagpatuloy ng iba’t ibang grupo ang kampanya para sa agarang pagpapalaya sa kanya na tuluyang nang nakamit dahil sa absolute pardon na ipinagkaloob ni Marcos.
“Matagal nang dapat pinalaya si Mary Jane. Matagal na rin nating iginiit na siya ay biktima ng human trafficking at pagsasamantala, hindi kriminal na dapat parusahan. Ang kanyang paglaya ay pagkilala sa mahabang laban upang itama ang isang matinding kawalan ng hustisya,” ani Elago.
“Ngunit hindi nagtatapos sa pagpapalaya kay Mary Jane ang ating laban. Ang kanyang kaso ay repleksyon ng sistemang nagtutulak sa milyun-milyong Pilipino na mangibang-bansa dahil sa kawalan ng disenteng trabaho, mababang sahod at kahirapan. Hangga’t nananatili ang sistemang umaasa sa murang paggawa at sapilitang migrasyon, mananatiling nanganganib ang ating mga kababayan sa trafficking, pagsasamantala at iba pang porma ng pang-aabuso,” dagdag pa ng mambabatas.
Patuloy din ang panawagan ng Gabriela Women’s Party na panagutin ang mga human trafficker, protektahan ang mga migranteng Pilipino, at wakasan ang sistemang nagtutulak sa ating mga kababayan sa pagsasamantala. (Bernard Taguinod)


