WebClick Tracer

Tupas: Bank accounts sana ang iprinesenta sa impeachment trial ni Sara Duterte

Naniniwala si Atty. Niel Tupas, dating lead prosecutor sa Renato Corona impeachment trial, na mas mainam sanang iprinesenta ng prosecution panel ang mga bank account ni Vice President Sara Duterte sa halip na ang kanyang mga negosyo.

Sa panayam kay Tupas sa programang “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi niyang tama ang pagsisimula ng prosecution sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth o SALN, pero inaasahan niyang susunod agad dito ang mga bank account na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth.

Ayon kay Tupas, mas komplikadong ipaliwanag sa publiko ang operasyon ng isang korporasyon at mas madaling maunawaan ang usapin kung mga bank account ang unang ipinakita bilang ebidensiya.

“That’s not the ultimate goal of the article which is unexplained wealth. Nauna SALN, that’s correct. Tingin ko sana, I was expecting the bank accounts sana kasi ‘yung corporation it’s complicated. People don’t understand the workings of a corporation,” paliwanag niya.

“I was expecting na i-present ng prosecution ‘yung bank accounts sana. Simple lang ‘yun. ‘Pag meron ka bank account na hindi nakalagay sa SALN mo, may violation ka na, and unexplained wealth, ‘yun ‘yung charge mo eh. So we are still waiting kung ano ang strategy ng prosecution,” dagdag pa niya.

Panoorin ang buong panayam sa September 23 episode ng “At the Forefront”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 10:30 ng umaga sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube and Facebook accounts ng BNC. (IS)