WebClick Tracer

Tiangco duda sa P27.89B budget ng Kongreso

Mistulang nagdududa si Navotas Rep. Toby Tiangco na “may itinatago” ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya ayaw umano ng mga ito na ipabusisi ang budget ng Kongreso na nagkakahalaga ng P27.89 bilyon sa susunod na taon.

“Ang hindi ko talaga maintindihan bakit ayaw nilang ipaliwanag. Ang laki-laki ng budget ng House kung saan ang budget begin,” ani Tiangco.

Sa nasabing halaga, P17.623 bilyon dito ang budget ng House of Representatives o Kamara habang P7.7 ang pondo ng Senado, P264.2 million sa House of Representative Electoral Tribunal (HRET), P324.9 milyon sa Senate Electoral Tribunal (SET) at P1.9 bilyon sa Commission on Appointments (CA).

Nagrereklamo si Tiangco dahil unang itinakda ang plenary deliberation sa Congress budget sa September 24, 2026 subalit inilipat ito ng September 17, 2026 na agad na tinerminate dahil walang nakalistang interpelator.

Nasa Italy si Tiangco kung saan dumalo umano ito sa isang kasal nang isalang sa plenaryo ang Congress budget kaya pagbalik nito ay agad niyang sinita ang liderato ng Kamara at tinangkang ibalik sa plenaryo ang pondo subalit hindi sinang-ayunan ng Kamara.

Sa paliwanag ng liderato ng Kamara, maaari lamang na maibalik sa plenaryo kapag binawi ng isang majority congressmen ang kanyang boto sa isang panukala subalit dahil wala si Tiangco noong iterminate ang deliberasyon sa Congress budget ay hindi ito pinagbigyan sa kanyang kahilingan.

Subalit ayon kay Tiangco, dapat idaan sa nominal voting ang pagtanggi ng liderato ng Kamara na ibalik sa plenaryo ang budget ng Kongreso at bagama’t alam nito na matatalo siya ay sigurado naman aniya na aniya na sumunod ang mga ito sa batas.

Gayunpaman, ayaw aniyang gawin ito ng liderato ng Kamara kaya nang tanungin kung ano ang dahilan sinabi nito na “yun na nga eh, ano bang tinatago? Ano bang tinatago diyan?”.

“Kasi kung wala naman tinatago, ang hinihingi natin dito transparency. Ang laki ng budget ng house. Tingnan niyo naman lahat (ng budget ng mga ahensya ng gobyerno) nagdaan sa committee,” ani Tiangco.

“Eto nirequest ko dumaan sa committee, ayaw nila. Ngayon sa plenary ayaw. Hindi nga natin, alam bakit ganun kalaki hinihingi ng house? Saan ba gagastusin yun? Walang makapagsalita,” ani Tiangco. (Bernard Taguinod)