Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 46-anyos na Romanian national, na nauna nang nahatulan dahil sa pagkuha ng kababaihan para sa prostitusyon, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 22.
Kinilala ng BI ang dayuhan na si Razvan Mircea Nedelea.
Ayon kay BI Anti-Terrorist Group (ATG) Deputy Chief Bienvenido Castillo III, ipinahiwatig ng intelligence information na posibleng bumiyahe si Nedelea patungong Pilipinas.
Lumabas din umano sa records at intelligence information na miyembro siya ng isang Romanian criminal group na sangkot sa trafficking ng mga babae patungong Scotland.
Dahil sa kanyang criminal history at naunang conviction, inatasan ang BI APIS Operations Center (APOC) na bantayan ang kanyang biyahe at agad na abisuhan ang ATG.
Na-detect umano ng APOC ang kanyang biyahe sakay ng Qatar Airways papuntang Maynila halos siyam na oras bago ang nakatakda niyang pagdating noong Setyembre 22.
Pagdating sa NAIA, ini-refer ng primary immigration officer si Nedelea sa ATG personnel na nagrekomenda ng exclusion at pagbalik nito sa kanyang pinanggalingang bansa.
Pinuri naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang immigration personnel at mga tanggapan na naging bahagi ng operasyon.
“Foreign nationals with records of criminal conviction, particularly those involved in serious offenses, should not expect to enter the Philippines simply because they are able to secure a ticket and travel here,” ani Viado. (AC)


