WebClick Tracer

Renewal ng prangkisa ng Cebu Pacific, Cebgo umusad na

Inaprubahan ng House Committee on Legislative Franchises ang panukalang i-renew nang 50 taon ang congressional franchises ng Cebu Pacific at Cebgo.

Ayon kay Albay Rep. Adrian Salceda, may-akda at sponsor ng House Bills Nos. 9370 at 6546, makatutulong ang pag-renew ng franchise ng Cebu Pacific at Cebgo upang matiyak ang pangmatagalang air connectivity at investment sa bansa at matiyak na mananatiling accountable sa publiko ang mga may hawak ng franchise.

“A franchise is a public trust. Fifty years of regulatory certainty must come with fifty years of public accountability,” sabi ni Salceda.

Sa ilalim ng HB 9370 ay ire-renew ang franchise ng Cebu Air, Inc., na nag-ooperate bilang Cebu Pacific, habang ang prangkisa ng Cebgo Inc. ay palalawigin ng HB 6546.

“For an archipelagic country like the Philippines, connectivity is economic infrastructure. Kapag mahal o mahirap bumiyahe mula probinsya patungo sa mga sentro ng ekonomiya, hindi lamang pasahero ang naaapektuhan. Tumataas din ang cost of doing business, lumiliit ang access sa turismo at merkado, at nababawasan ang oportunidad sa mga rehiyon.,” sabi ni Salceda.

“Kami po sa Albay, we have Cebu Pacific as our most important air carrier. And air connectivity is crucial for us given how difficult the road conditions are in Maharlika Highway,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Salceda na ang maagang pag-renew ng franchises ay magbibigay ng regulatory certainty na kailangan ng mga airline upang makapaglagak ng pangmatagalang investment sa mga aircraft, ruta, at serbisyo.

Nakapagsakay ang Cebu Pacific ng 14 milyong pasahero sa unang kalahati ng 2025, 21% na pagtaas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, at nag-operate ng mahigit 3,300 flights kada linggo sa 124 na ruta pagsapit ng kalagitnaan ng taon.

“Kung gusto po natin na mas madami silang maisakay na pasahero, mas maraming ruta na liliparin, at makapagbigay ng abot-kayang airfare, dapat ay may stable environment sila para sa mga plano nilang development at investment,” sabi ng mambabatas.

Ayon pa kay Salceda, mahalaga ang papel ng Cebgo sa pagkonekta sa mga secondary destination at island communities kung saan maaaring mas angkop ang mas maliliit na aircraft, at nakatutulong itong iugnay ang mga ekonomiya sa probinsya, kabilang ang mga nasa Bicol Region, sa mga sentro ng turismo at komersiyo.

“Renewing a franchise is not giving an airline a free pass. The privilege to operate comes with obligations. If they fail to comply with the law and the conditions of their franchise, they must be held accountable,” sabi ng mambabatas.

Sinabi ni Salceda na layunin ng mga panukala na balansehin ang pagbibigay sa mga airline ng katiyakang kailangan nila sa pamumuhunan at ang pagtiyak na ang mga benepisyo ng kanilang franchises ay makakapagdulot ng magandang serbisyo sa publiko.

“The easier it is to move people across our islands, the easier it is to move jobs, investments, tourists, and opportunities. But with that privilege comes a responsibility to serve the public and follow the rules,” dagdag pa ni Salceda. (Billy Begas)